1 viewer like Virac, Catanduanes
connect now
Cancel
Cancel
Cancel
By By Arnold Matencio Valledor
BEST SHOT
posted 12-Jul-2019  ·  
0 comments

ABALANG-ABALA ang kanyang kamera sa pagkuha ng larawan. Sa malalaking batong hinahagkan ng tubig-sapa at sa kinikiliti nitong may katamtamang laking mga batong nag-uumpukan. Sa mga namumungang niyog na may mangilan-ngilang kinakatasan ng tuba. Sa koprahan na tinatamaan ng sinag ng araw ang patusok na bakal na palawan na halos katabi lamang ng agunan. Sa abakanhan; sa tugod; at sa sampayan ng bandara. Sa mga punong namumunga: langka, amhi, santol, mangga. Sa mga paru-paro at tutubi na palipad-lipad at padapo-dapo sa mga damo at sa mga sanga ng mga kahoy na nabanggit na nasa pagi-pagitan ng mga abaka.

Malayo-layo na ang distansiya ng tatay niya. Ngunit tiwala siya na mahahabol lang niya ito gaya ng dati. Tatakbuhin lang niya ang pagitan nila. Halos tuwing Sabado at Linggo at buong summer noong nag-aaral pa siya ay isinasama siya ng tatay niya sa Sara-saraan. Naglalakad mula sa kanilang bahay. Nasanay ang kanyang mga paa sa paglalakad at sa pagtakbo sa patag, paakyat at palusong na daan na ang ilan ay makipot at ang ilan naman ay maluwang- na may bahaging mabato at maputik; at sa dalawang sapa na binabagtas. Nilalaro laman niya ang pagpunta sa ha-gutan na halos sampung kilometro mula sa kanilang bahay. Naputol lamang ang pagpunta niya roon kasama ang tatay niya nang matanggap siyang guro sa haiskul hanggang sa maging prinsipal siya. Ilang taon na ba ang nakararaan nang huli siyang makarating dito?

Mahigit nang dekada mula nang huli niyang punta kasama ang tatay niya ngunit sa isip niya ay hindi babaguhin ng mga taong iyon ang galing niya sa paglakad, pagbagtas at pagtakbo papunta sa ha-gutan nila.

Niyaya siya ng kanyang tatay nang Sabadong iyon upang tingnan ang lawak ng naha-gutan nina Kario at nang malaman na rin kung kailan maibebenta ang bandara. Hindi siya nagdalawang-isip na sumama dahil bukod sa gusto niyang makapunta uli sa lugar, sa tingin niya ay may katandaan na rin ang tatay niya at hindi na ganoon katikas at hindi na dapat mag-isa lang kung gasugho.

Ilang kuha pa rito. Ilang kuha pa roon.

Sinisipat niya ang bawat kuha. Magaganda. Nasa tamang anggulo at timpla ng liwanag. Libangan niya ang pagkuha ng larawan kaya pinag-ipunan niya ang pambili ng kamerang iyon. Mamaya, ipo-post niya ang mga kuha niya at nakikini-kinita niya na aani iyon ng maraming reactions na sa tantiya niya ay mas hihitik sa love reaction kaysa like lamang.

"Woooohooo....!" tinatawag na siya ng tatay niya. Halos manipis na ang abot ng sigaw ng tatay niya. Lubhang malayo na ang distansiya nito.

Ini-off niya ang kamera. Hinayaang naka-sling. Ginagap ng kanang kamay. Binitbit ng kaliwang kamay ang tsinelas at nag-umpisang tumakbo. Sa mga unang hakbang pa lang ay napapatingkayad siya. Bumabaon sa wari niya sa kanyang talampakan ang maliliit na bato na nangakausli sa mamasa-masang lupa- bagay na hindi niya naramdaman noon. Isinuot niya uli ang kanyang tsinelas. Tumakbo siya uli.

"Woooohoooo....!" sinagot niya ang pagtawag ng tatay niya upang hindi ito mag-alala at hindi siya balikan.

Tumakbo siya. Mabilis ang mga paa gaya noon. Ngunit nakakailang igpaw pa lamang siya ay hinihingal na siya. Binura ba ng pagmomotorsiklo niyang lagi ang tatag niya sa pagtakbo noon? Hindi. Kaya niya. Kaya niyang tumakbo gaya noon. Kailangan niyang magpatuloy.

Tinatakbo na niya ang unang matarik na daan at hindi pa nga siya nangangalahati sa pag-akyat ay hindi na niya mahabol ang kanyang hininga. Nanunuyo ang kanyang laway. Naliligo na siya sa pawis. Sumasama sa pawis, sa wari niya, ang tatag ng paa niya at lakas ng kanyang katawan. Gusto pa niyang tumakbo ngunit hindi umaakma ang galaw ng mga paa at katawan niya sa gilas ng isip niya. Pero pinilit pa niyang tumakbo at sa paglapag ng paa niya ay dumulas ito sa kanyang tsinelas dahil sa mamasa-masang lupa at namamawis na rin niyang paa. Papasubsob na siya nang magagap ng kanyang tatay ang kanang braso niya at nahawakan at naiangat ng kaliwang kamay nito ang sling ng kamera niya. Ni hindi tumama ang tuhod niya sa lupa. Naitayo siya ng tatay niya nang hindi man lang ito nahihirapan taliwas sa tingin niyang hindi na ito matikas.

Dahil sa kailangan niyang magpahinga, umupo muna siya sa gilid ng matarik na daang iyon- sa lilim ng malabay na puno. Binuksan niya ang kamera habang pinapanauli ang normal na paghinga. Kumupas sa tingin niya ang ganda ng mga kuha niya kanina. Nasasaisip niya ang paggagap sa kanyang braso ng kanyang tatay nang papasubsob na siya at ang mabilis na pagkakahawak at pag-angat nito sa sling ng kanyang kamera, kasabay ng pagtayo sa kanya.

0 comments
New to ugnayan?
leave a comment, you need to connect.
Connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
158
views
share
like
posted
12-Jul-2019
ugnayan © 2019
online: 
9 visitors